-- Advertisements --

Gagamitin umano ni US President Donald Trump ang kaniyang kapangyarihan bilang pangulo ng Estados Unidos para patuloy na isulong ang financial relief para sa mga Amerikanong apaektado ng COVID-19.

Hindi man nito tinukoy kung kailan magiging available ang naturang financial relief ngunit aniya handa ang kaniyang administrasyon na magbigay ng tulong pinansyal sa lahat ng mga empleyado na maaapektuhan ng coronavirus outbreak.

Tatanggalin umano ng Trump administration ang annual tax payments para sa mga taong maaapektuhan ng naturang sakit at kaagad na magbibigay ng mga loans para sa mga maliliit na negosyo na makararanas ng epekto ng virus.

Una nang inanunsyo ngayong araw ni President Trump ang pagsuspinde sa lahat ng mga biyahe mula Europa patungong Estados Unidos sa loob ng isang buwan.

Ang hakbang ng Amerika ay upang mapigilan ang pagdami pa ng kaso ng pagkalat ng deadly virus.

Magiging epektibo ang travel ban simula sa Biyernes ng hatinggabi, oras sa Amerika.

Habang ang mga Amerikanong sumailalim na sa screening at ang mga turista na manggagaling sa United Kingdom ay hindi apektado ng travel ban.

Hindi rin napigilan ng presidente na sisihin ang European Union matapos hindi agarang suspendihin ang lahat ng travel flights mula China na naging rason umano kung bakit mabilis na kumalat ang sakit sa Amerika na dala raw ng mga European travelers.