Kinondena ng ilang bansa ang naging pag-veto ng United States sa resolusyon ng United Nations Security Council para ipanawagan ang immediate ceasefire sa pagitan ng Israel at Hamas.
Sa 15 miyembro ng UN Security Council, tanging ang US lang ang nag-veto sa resolusyon habang nag-abstain naman ang United Kingdom.
Dahil dito, mababasura na ang resolusyon. Kinakailangan kasi na walang mag-veto sa limang permanent members ng Security Council para ma-adopt ang resolusyon. Ang mga bansang ito ay ang US, UK, France, Russia, at China.
Nagpahayag ng matinding pagkadismaya ang envoy ng China sa UN na si Zhang Jun. Aniya, ang pag-veto raw ng US ay tila pagtulak sa mas delikadong Gaza. Wala raw itong kaibahan sa pagbibigay ng green light sa Israel na ipagpatuloy ang umano’y pagpaslang nito sa mga Palestinian.
Ikinalulungkot naman ng France ang naging desisyon ng US pero patuloy umano silang mananawagan na palayain na ang mga bihag at magkaroon na ng agarang tigil-putukan.
Nagbigay rin ng mensahe ang Amnesty International sapagkat hindi umano nirespeto ng US ang international law at hindi nito prinotektahan ang mga Palestinian laban sa mga patayan.