KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang assessment ng Municipal Disaster Risk Reduction Management (MDRRM) Council ng Surallah, South Cotabato, matapos ang pananalasa ng buhawi sa kanilang bayan.
Napag-alaman na nakapagtala ng malakas na hangin sa buong bayan at labis na pag-ulan na sinamahan pa ng pagbagsak ng kasing-laki ng butil ng mais na yelo.
Dahil sa pangyayari, umabot sa limang bahay ang nasira sa Barangay Dajay Surallah, South Cotabato.
Ayon kay Kapitan Christopher Lazo, apektado ang ekta-ektaryang pananim at nadaganan din ng puno ng kahoy ang isang paaralan.
Temporaryo namang nananatili sa kanilang mga kaanak ang mga pamilyang nasiraan ng bahay.
Kaugnay nito temporaryong nawalan din ng suplay ng kuryente ang bayan ngunit agad namang naibalik ang suplay nito.
Samantala, ayon naman kay Surallah MDRRM Officer Leonardo Ballon, patuloy pa rin ang clearing operations sa iba pang mga barangay kagaya ng Naci, Lamsugod at Libertad, kung saan ilang mga daan ang unpassable dahil sa mga natumbang mga puno ng kahoy.