Binigyang-diin ni House Committee on Higher and Technical Education Chairperson Rep. Jude Acidre na ang anumang hakbang upang i-impeach si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay dapat mahigpit na nakabatay sa Konstitusyon at suportado ng malinaw at kapani-paniwalang ebidensiya.
Ayon kay Acidre, hindi dapat ibinabatay sa tsismis, pampulitikang presyur, o ingay ang impeachment ng isang nakaupong pangulo. Aniya, may tungkulin ang Kamara na kumilos nang may pag-iingat, pagiging patas, at paggalang sa mga institusyon ng gobyerno.
Nilinaw rin ng mambabatas na sa kasalukuyan ay wala pang pormal na impeachment complaint na naihahain o umiikot sa House of Representatives, kaya’t mahirap umanong magkomento sa isang bagay na wala pang dokumentong sinusuri.
Binigyang-diin ni Acidre na ang impeachment ay isang seryoso at pambihirang prosesong konstitusyonal at hindi dapat gamitin bilang kasangkapan sa pamumulitika.
















