CENTRAL MINDANAO – Ipinagpaliban muna ng City Government ang ilang aktibidad na tampok sa ika 22nd Charter Day ng lungsod.

Ito ay matapos irekomenda ng City Health Office, DepEd City Schools Division at ng City Tourism Office kay City Mayor Joseph Evangelista ang pagpapaliban sa mga aktibidad dahil sa posibleng banta ng Novel Corona Virus Acute Respiratory Disease o nCOv.

Proteksyon ng mga lalahok na mga mag-aaral at guro na posibleng ma- expose sa nCOv ang dahilan ng pagpapaliban.

Pumayag si Mayor Evangelista sa rekomendasyon ng pagpapaliban ng mga aktibidad gaya ng Drum and Lyre Competition at Thematic Costume Parade na mga tampok sana sa ika 22nd Charter Day ng lungsod na magsisimula sa February 10-14, 2020.

Basehan ng kahilingan sa pagpapaliban ay ang mga direktiba mula sa Department of the Interior and Local Government, Department of Health at Department of Education, ayon pa sa liham ng City Tourism Office sa Tanggapan ni Mayor Evangelista.

-- Advertisement --

Inirerekomenda din na ipagpatuloy ang nabanggit na mga aktibidad kapag nawala na ang banta ng nCOv.

Kaugnay nito ay tuloy pa rin naman ang iba pang aktibidad na tampok sa okasyon.

Hinihiling ng mga otoridad ang kooperasyon ng lahat lalo pa at maglalagay ng hand sanitizer stations sa mga entry at exit points sa mga venue ng aktibidad ang CHO para sa proteksyon ng lahat kontra nCOv.