Inihayag ng Philippine National Police na posibleng nakaharap na ng ilan sa mga arestadong suspek na hawak ngayon ng mga otoridad ang utak sa likod ng pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon kay PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, ito ay batay sa mga extrajudicial confession ng naturang mga suspek na nagsasabing posibleng may mga nakausap na ang mga ito na key player sa naturang krimen.
Sa ngayon ay nananatiling matipid pa rin ang Pambansang Pulisya sa tunay na posibleng nilalaman ng extrajudicial confession ng mga salarin bilang pag-iingat na rin na hindi ito makaapekto sa gumugulong na imbestigasyon ngayon ng mga otoridad at gayudin sa kasalukuyang ginagawang evaluation ng Department of Justice sa mga suspek.
Kaugnay nito ay iniulat din ni Fajardo na inatasan na rin ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ang PNP Anti-Cybercrime Group na tumulong sa pag-iimbestiga sa kasong ito.
Sa ngayon ay may nakalap nang dagdag na mga CCTV footage ang pulisya ukol sa naturang madugong insidente at kasalukuyan naman na aniya itong sumasailalim sa pagsusuri ng PNP-ACG para mapa-enhanced pa ito at maging dagdag tulong sa mas mabilis ba pagresolba sa nasabing krimen.
Samantala, hanggang sa ngayon ay mayroon pang limang suspek sa pagpatay kay Degamo ang patuloy na tinutugis ng kapulisan, bukod pa ito sa mismong utak sa likod ng nasabing krimen.
Ngunit kasabay nito ay muling binigyang-diin ng PNP na ang lahat ng mga ebidensyang kanilang makakalap hindi lamang batay sa naging salaysay ng mga suspek kundi pati na rin sa kanilang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa DOJ at SITG Degamo ang kanilang magiging batayan sa pagpapanagot sa lahat ng mga salarin sa krimeng ito partikular na sa mastermind nito maging sino man ang tamaan o matumbok na personalidad o indibidwal dito.