Panibagong dalawang simbahang Katoliko ang pinaniniwalaang sinunog sa Canada sa gitna ng tumitinding panawagan para sa papal apology kasunod ng pagkakadiskubre ng daan-daang mga unmarked graves o puntod sa mga katutubong residential schools sa British Columbia at Saskatchewan.
Iniimbestigahan na ng Federal police na posibleng arson ang motibo sa panununog sa Morinville church sa Alberta at St. Kateri Tekakwitha Church sa Nova Scotia.
Dahil dito, pumalo na sa pitong Catholic churches ang sinunog sa Canada.
Karamihan sa mga simbahang sinunog ay sa indigenous communities kaya hinala ng mga otoridad may kaugnayan ito sa pagkakadiskubre ng libingan ng nasa 215 katutubong bata sa Kamloops Indian residential school sa British Columbia noong Mayo at mahigit 700 puntod sa Marieval residential school sa Saskatchewan noon lamang nakaraang linggo.
Ang mga sinunog na simbahan ay itinayo isang dekada ang nakalilipas kasabay ng pagbubukas ng mga boarding schools na pinapatakbo noon ng simbahang Katoliko.
Sa ngayon, nakahalf-mast ang parliament bilang paggunita sa kamatayan ng mga katutubong estudyante kasabay ng pagdiriwang ng National Day ng Canada.
Ayon sa Catholic Bishops of Canada, inimbitahan ang mga delegado ng IPs kabilang ang dating mga residential school students sa Vatican na nakatakdang makipagkita kay Pope Francis sa Disyembre.










