Nababahala si Vice President Leni Robredo sa sitwasyon ng mahihirap na pamilya kasabay ng inaasahang pagbabalik eskwela sa Agosto kahit nasa gitna COVID-19 pandemic ang bansa.

Binawi kasi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naunang pahayag nito na hindi magbabalik ang klase hangga’t walang nadidiskubreng bakuna laban sa sakit.

Ayon naman sa Department of Education ilulunsad nila ang “blended learning” kung saan maaaring i-ere sa telebisyon o radyo ang mga lesson. Posible rin daw imungkahi ng kagawaran ang paggamit ng online learning.

Para kay VP Leni, mahalagang ikonsidera rin sa adjustments ng balik-eswela ang sitwasyon ng mahihirap na pamilya, na walang TV sa bahay o ‘di kaya’y walang access sa computer at internte.

“Halimbawa puwedeng gamitin ng DepEd kapag government station, wala pang gastos.”

“Kung radyo naman, sana maging maayos kasi isipin mo, every level iba-iba iyong lessons, ‘di ba. So papaano mo gagamitin. Iyong iba naman sinasabi na… iyong iba sinasabi na pupunta sa school para mag-print ng mga—pero may mga schools kasi, na wala talagang signal so ewan ko kung papaano gagawin. Pero sana, ayusin—ayusin para… ang pinakamahalaga dito walang diskriminasyon sa mahihirap. “

Batid daw ni VP Leni na may ilang local government units na handang umaksyon para magkaroon ng access sa alternatibong online learning ang mga estudyante sa kanilang lugar.

“Okay lang iyong mayayaman na mga lugar kasi kaya nilang mag-provide. Kung mayaman iyong LGU, kayang mag-provide. Pero papaano kung hindi mayaman iyong LGU?”

“Kaya sana pag-isipan nang maayos na mapakinggan iyong, lalo na iyong mga teachers na galing sa malayong lugar. Madali lang sabihin na radyo, lahat nakikinig sa radyo, pero papaano gagawin?”

Una nang sinabi ni Education Sec. Leonor Briones na tutol siya sa tradisyunal na face-to-face learning lalo na’t may ilang paaralan na crowded ang populasyon.

Sinabi naman Department of Health na matitiyak lang ang kaligtasan ng balik-eskwela sa mga paaralan kung masusunod ang ipinatutupad na minimum health standards.

Sa August 24 itinakda ng DepEd ang pagbubukas ng school year 2020-2021 sa mga mga pribado at pampublikong paaralan sa bansa.