DAVAO CITY – Opisyal ng binuksan ang ika—37th selebrasyon ng Kadayawan festival sa Davao City sa pamamagitan ng Misa Pasasalamat kaninang alas 3:00 ng hapon na ginanap sa Magsaysay, Bantawan Ampitheatre at sinundan ng Pag-abli sa Kadayawan na ginanap bandang alas 4:00 sa hapon.
Pinangunahan ni Arch. Bishop Romulo G. Valles kasama ang labing-dalawang mga pari mula sa magkaibang mga diocese at congregation sa lungsod ang Misa Pasasalamat, at ni City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at ng mga deputy leader’s ng labing-isang tribo sa Lungsod ang Pag-abli sa Kadayawan.
Dumalo din sa aktibidad ang mga delegado mula Malaysia, South Africa at Singapore. Ayon sa mensahe ni Mayor Duterte, laking pasasalamat niya sa mga Davaoneos na sumusunod at gumagalang sa mga batas sa lugar; at sa wakas malaya na ang mga tao na dumalo sa selebrasyon.
“Salamat kaayo sa mga taga-davao na ginatagaan ug respeto ug ginatoman ang mga balaod. Gawas na gyud ta unta mag enjoy mo”.
Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon sa Kadayawan Festival matapos itong ihinto ng mahigit dalawang taon dahil sa pandemya.
Ang Kadayawan Festival na tinatawag na Hari ng Pista ng Pilipinas, ay taunang pagdiriwang para sa kasaganaan ng ani, pagkakaisa ng mga tribo ng Lungsod, at mga tagumpay ng lungsod sa gitna ng kahirapan at kalamidad.
Sa kabilang banda, gaganapin ang coronation night ng Hiyas sa Kadayawan sa Agosto 17, kung saan labing-limang kabaataang babae na kumakatawan sa iba’t-ibang tribo ang maglalaban-laban para sa titulo. Samantala, ang buong araw ng Agosto 18 ay mapupuno ng mga pagtatanghal mula sa iba’t ibang tribo sa lungsod sa pamamagitan ng Sayaw Kadayawan at Bantawan.
Magpapakita rin ng lakas ang mga tribal community at katutubong laro sa Dula Kadayawan sa darating na Agosto 19. Gaganapin din ang taonang Indak-Indak sa Kadayawan ngayong Agosto 20, at Pamulak sa Kadayawan ngayong Agosto 21.
Sa kabilang dako, nagbabala ang Davao City Public Safety and Security Command Center na dapat mangibabaw ang seguridad ng mga bisita. Nauna nang pinaalalahanan na bawal magdala ng backpack, magsuot ng jacket, magdala ng matatalas at matutulis na armas at gayundin, ang hindi transparent na lalagyan ng tubig. Mahigit labindalawang libong security personnel din ang ipapakalat sa mga pangunahing lansangan ng lungsod hanggang sa huling araw ng pagdiriwang.
Hinihimok din ng Davao City Health Office (DCHO) ang mga mamamayan na sundin ang minimum public health standards bilang proteksyon sa nakakahawang sakit na COVID-19.