Isa pang petisyon ang inihain ng ilang grupo laban sa Anti Terror Act of 2020.
Kabilang dito ang Council for People’s Development and Governance (CPDG) kasama ang IBON Foundation, Kalikasan-PNE at iba pang mga kaalyado para ihain ang kanilang petisyon.
Sila ay ang mga grupo ng mga development and humanitarian workers, environmentalists, farm workers, agriculturists, scientists, consumers, at children’s rights advocates na pawang tutol sa Anti-Terrorism Act.
Sa kanilang petition for certiorari and prohibition, hinihiling nila sa Kataas-taasang Hukuman na maglabas ng Status Quo Ante Order o Temporary Restraining Order laban sa Anti-Terrorism Law.
Pinadedeklara rin nila na unconstitutonal ang Republic Act no. 11479 na isa umanong “Anti-Tulong Law” ayon sa mga petitioner.
Respondents sa petisyon sina Pangulong Rodrigo Duterte, Executive Sec. Salvador Medialdea, Senate Pres. Tito Sotto at House Speaker Alan Peter Cayetano.
Inaalmahan ng mga petitioner ang mga nilalaman ng batas, na magpapatuloy umano sa ginagawang “red-tagging” harrassment at pang-aabuso ng pamahalaan sa mga civil society groups.
Sa ngayon, aabot na sa 30 ang mga petisyong inihain sa Korte Suprema laban sa Anti-Terrorism Act.
Hindi pa ina-anunsyo ng Korte Suprema ang petsa ng oral arguments para sa mga nasabing petisyon.