-- Advertisements --

Naghahanap ang International Criminal Court (ICC) ng paraprofessional interpreter at associate court interpreter para tumulong sa pagsasalin ng mga testimonya ng mga saksi at iba pa bilang paghahanda sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Nobyembre ng kasalukuyang taon.

Ayon sa anunsyo ng ICC, bukas hanggang Hulyo 4 ang aplikasyon para sa dalawang fixed-term positions na may kontrata hanggang Disyembre 31 ngayong taon.

Ang mga mapipili ay ibabase sa The Hague, Netherlands.

Kabilang sa kanilang tungkulin ang pagsasalin ng mga testimonya ng saksi, pag-aaral ng mga pahayag, paghahanda para sa mga interpretasyon, at pagbuo ng mga glossary ng terminolohiya.

Kinakailangan din ang mataas na antas ng kasanayan sa Filipino at/o Cebuano at Ingles.

Nauna nang hiniling ng hukuman na matiyak ang interpretasyon sa Filipino at Cebuano upang mas maunawaan ng mga manonood mula sa Pilipinas ang mga pagdinig.

Matatandaang nauna na ring naghanap noon ang ICC ng mga Filipino at Cebuano translators noong 2024 at mga transcriber ng parehong wika noong 2025.