-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Iginiit ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na political will ang kailangan sa pagsugpo ng korapsyon hindi ang pagbuo ng bagong komitiba para tutukan ang red tape sa gobyerno.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBP President Atty. Domingo Cayosa, sinabi niya na napakarami nang batas na ginawa patungkol sa red tape at korapsyon pero kulang naman sa implementasyon.

Matatandaang bumuo si House Speaker Alan Peter Cayetano ng isang komite upang labanan ang red tape sa pamahalaan.

Aniya kung minsan ay wala namang naitutulong o nagagawa ang mga komite dahil walang nangyayari kahit pa sila ay nabuo na para umaksyon.

Ayon kay Atty. Cayosa ang kailangan ay political will ng mga mambabatas na iimplement ang kanilang ginagawang batas hindi hanggang salita lamang dahil wala namang natatanggal o nakukulong na mga sangkot sa corruption.

Mismong si pangulong Duterte umano na patapos na ang termino ay hindi rin naipatupad ang mga ipinangako.

Aniya hindi na bago ang red tape sa bansa at dapat alam na ng pamahalaan ang mga dapat gawin dahil matagal na itong napag aralan.

Sinabi rin ito ni Pangulong Duterte noong magsimula ang kanyang termino at nagbigay din ng kautusan pero hindi naman napasunod ang mga nasa ilalim nito kaya wala ring saysay.

Wala ding napakulong na mga sangkot sa corruption, aniya tatanggalin lang ang mga ito pero ilalagay naman sa ibang puwesto.

Dahil dito wala nang takot ang mga magnanakaw sa gobyerno at nawalan na rin ng paniniwala ang taong bayan dahil nakikita na ang kawalang pagbabago sa implementasyon ng mga napakagandang batas.

Ayon pa kay Atty. Cayosa kahit sa panahon ng pandemya ay napakaraming Brgy. Kapitan ang nagkaroon ng anomalya sa pamamahagi ng ayuda na hanggang ngayon ay wala pa ring natatanggal o napapakulong.

Aniya maaari naman umanong tanggalin ng pangulo ang mga ito administratively pero hindi naman nito ginagawa.

Kung inuna sana umano ng pangulo ang pagsugpo sa korapsyon bago ang droga ay malamang tapos na sana ang problema.

Kung gusto umanong sugpuin ng administrasyon ang red tape at korapsyon sa bansa ay kinakailangang maging halimbawa ang pangulo at ipakita na mayroon siyang political will at kakayahang pamunuan ang mga taong nasa kanyang ibaba.