-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang panibagong pag-atake sa isang abogado sa Iloilo City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Domingo Cayosa, pangulo ng IBP na ang biktimang si Atty. Angelo Karlo Guillen ay kilalang tumutulong sa mga magsasaka at katutubo.

Malaya siyang nagpapahayag ng kanyang saloobin at kung minsan ay kontra sa pamahalaan kaya ilang beses na rin siyang nared tag at pinagtangkaan ang kanyang buhay.

Sa kabila nito ay tuloy pa rin ang kanyang trabaho at paninindigan sa alam niyang tama.

Ayon kay Atty. Cayosa, si Atty. Guillen ay isa rin sa tatlumpu’t pitong nagpetisyon sa anti terrorism act.

Dahil sa pangyayari ay muling nanawagan ang pangulo ng IBP sa pamahalaan na gawin ang kanilang responsibilidad para maprotektahan hindi lamang ang mga abogado kundi maging ang sambayanang Pilipino.

Aniya, ang biktima ay pang-animnapu’t pito nang abogado na pinagtangkaan ang buhay sa loob lamang ng limang taon.

Patunay lamang nito na lumalala na ang kriminalidad sa bansa nang dahil na rin sa kawalan ng hustisya.

Nanawagan naman siya sa mga kapwa niya abogado na iwasan na ang justice delayed para maiwasan ang paggawa ng mga biktima ng sarili nilang hakbang para makapaghiganti.