-- Advertisements --
image 34

Nagbabala ang Bureau of Immigration sa publiko laban sa kumakalat na counterfeit overseas employment certificates (OECs) na ibinibenta online.

Ginawa ni BI Commissioner Norman Tansingco ang naturang babala kasunod ng napaulat na mga insidente kung saan naharang ng mga opisyal ng BI ang isang grupo ng mga Pilipino na nagtangkang umalis ng bansa gamit ang pekeng certificates.

Iniulat ng BI’s travel control and enforcement unit (TCEU) na tatlong indibidwal na binubuo ng isang babae at dalawang kalalakihan na nasa edad 30 ang hinuli sa Ninoy Aquino International Airport nang subukan ng mga ito na lumabas ng bansa lulan ang Air China flight patungong Warsaw, Poland.

Sa hiwalay pa na insidente sa may Clark International Airport (CIA) na naharang ang isang lalaking pasahero na pasakay ng Emirates Airlines patungong Dubai na nagpresenta ng pekeng overseas employment certificate.

Sa isinagawang imbestigasyon, umamin ang lahat ng biktima na nagbayad sila ng pumapalo sa P1,000 hanggang P10,000 sa online fixers kapalit ng mga nasabing palsipikadong mga dokumento.

Ni-refer na ang mga biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa karagdagan pang imbestigasyon at sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga scammer na sangkot sa insidente.