-- Advertisements --

Inihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) na in-adopt ang ibang porma ng taktika sa paglaban sa iligal na droga sa bansa sa ilalim ng bagong administrasyon.

Ginawa ni Remulla ang naturang pahayag sa kaniyang speech sa 51st Regular Session ng UNHRC-Enhanced Interactive Dialogue sa Pilipinas na isinagawa sa Geneva, Switzerland.

Sinabi ng DOJ chief na ni-refocus ng Pangulo ang kampaniya kontra iligal na droga sa pamamagitan ng pagtalakay sa source o pinag-ugatan ng problema sa iligal na droga. Sinabi din ng Pangulo na ang criminal masterminds ay kailangang mahuli at mapanagot hindi ang mga small-scale users sa mga lansangan. Binigyang diin din ng Pangulo ang pangangailangan para sa rehabilitation, prevention, edukasyon at assistance para sa mga biktima at kanilang mga pamilya.

Ipinaabot din ni Ramulla ang pagpapaalala ng Pangulo sa Philippine National Police (PNP) na ang paggamit ng pwersa ay dapat palaging makatwiran, may pananagutan, at ginagamit lamang kung kinakailangan.

Sa parte naman ng Department of Justice, sinabi ni Remulla na mayroong review panel ang ahensiya para muling masiyasat ang mga insidente na nangyari sa anti-illegal drugs campaign ng gobyerno.

Pagbubunyag ng DOJ chief na kamakailan hindi bababa sa pitong (7) insidente na kinasasangkutan ng mga pagkamatay ng mga suspek ang inihain sa mga korte, kung saan 25 pulis ang kinasuhan. Hindi naman bababa sa walong (8) pulis ang natanggal sa serbisyo, at limang (5) ang sinuspinde o binigyan ng sanction. May kabuuang 302 kaso ang isinangguni ng Review Panel sa National Bureau of Investigation para sa pagbuo ng kaso.

Top