KORONADAL CITY – Nananatiling mataas ang inspirasyon ng Philippine Football team sa nagpapatuloy na SEA Games 2019.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Richard Leyble, assistant Coach ng Philippine Football Team, ito’y dahil ginaganahan ang kanilang mga players na maglaro dahil sa mainit na suporta ng mga Pinoy lalo na ang homecourt advantage.

Ngunit inamin din nitong hindi sila nagpapakampante sa kanilang mga makakalabang bansa dahil gutom rin umano ang mga ito sa medalya kaya hindi nila minamaliit ang mga ito.

Ayon kay Leyble, nakatutok sila ngayon na maka-qualify sa semifinals kaya pinapalakas pa ang recovery training at mga taktika na gagamitin sa kanilang makakaharap.

Sa kabilang banda, labis naman ang pasasalamat ni Coach Efren Apresto ng Arnis team sa ibinibigay na suporta ng mamamayang Pilipino, matapos mistulang hinarvest ng arnis team ang mga medalya kung saan umabot sa 12 gold medals ang kanilang nakuha kahapon sa Day 2 ng palaro.