Iba pang unibersidad, paaralan na biktima ng red-tagging pinangangambahang pasukin na rin ng mga sundalo at militar
Nakiisa ang mga kinatawan ng Bayan Muna party-list sa pagkondena sa unilateral termination ng Department of National Defense (DND) sa kasunduan nila ng University of the Philippines na nagbabawal sa mga uniformed personnel na pumasok sa mga campuses ng naturang unibersidad.
Ayon kay Rep. Ferdinand Gaite, maaring magresulta ang hakbang na ito sa mga paglabag sa karapatang pantao kabilang na ang illegal surveillance at warrantless arrest sa mga estudyante at propesor na biktima ng red-tagging ng security sector.
Hindi aniya maikakaila na hindi kapanatagan at kaligtasan ang ihahatid ng desisyon na ito ng DND kundi pangamba at panganib lamang.
Nagbabala si Gaite na hindi matatapos sa UP ang pagpupumilit ng security sector na makapasok at magmintina ng presensya sa iba’t ibang paaralan at unibersidad na kabilang sa mga iniuugnay sa mga rebelde.
Gayunman, mali aniya kung iniisip ng pamahalaan na masisindak ang kabataan dahil kasaysayan na rin ang nagtuturo na hindi mapipigil ng panunupil ang pagtindig para sa kung ano ang sa tingin nila ay tama.