Nanindigan ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa kawastuhan o pagiging accurate ng datos nito sa COVID-19, sa kabila ng mga napunang pagkakamali ng mga eksperto mula sa University of the Philippines.
Ayon kay Maya Herrera, isang data scientist, at miyembro ng IATF analytics team, dumadaan sa masusing verification process ang kanilang mga hawak na datos.
“If the data does not pass validation, we return it to data owners and say what we found and they will investigate it. We make sure that our validated data is enough for us to make a good analysis and a good conclusion,” ani Herrera sa isang virtual conference.
Depensa ng eksperto, hindi makatwiran kung mali na agad ang magiging interpretasyon ng publiko sa DOH data, lalo na’t wala pang 1-percent ang errors na nakita.
“When you say incorrect, do you mean incorrect lahat? Hindi lahat ay incorrect. Pag nag-validate ka nung isang portion at accurate ito at yung isang portion ay may problema, hindi ito incorrect. May kulang lang.”
Kabilang sa mga pinuna ng UP Resilience Institute ang data drop sa pagitan ng April 24 at 25 kung saan may mga pasyente umanong nag-iba ang kasarian, address at edad sa data.
Una nang sinabi ni Health Sec. Francisco Duque na pinaiimbestigahan na nila ang nasabing discrepancy.
May ilulunsad ding teknolohiya ang DOH kasama ang World Health Organization, kung saan magiging automated na umano ang pangongolekta ng mga datos.