Nakiusap si Justice Secretary Menardo Guevarra sa miyembro ng media na huwag nang tawagin na “mega” ang task force na binuo para imbestigahan ang korapsyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Guevarra, mas gugustuhin nito na tawagin na lamang ito bilang “Task Force Against Corruption.”
Ayaw umano nito na mahaluan ng kung ano-ano ang naturang Department of Justice (DOJ)-led task force dahil pangunahin nilang layunin ay magtrabaho ng tahimik at epektibo.
Sa kabila nito ay nagpapasalamat pa rin si Guevarra sa media para sa importansya na pinapakita nito sa nasabing inter-agency group.
Una nang sinabi ni Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar na nagkaroon ng pagpupulong ang Task Force Against Corruption Operations Center para talakaytin ang magiging functions nito.
Isa na rito ang pagiging secretariat na siyang tatanggap ng mga impormasyon, reklamo at requests upang imbestigahan ang mga indibidwal at ahensya.
Layunin din ng evaluation committee na aralin at irekomenda kung ang natanggap nilang report o reklamo ay kailangan ng agarang constitution ng special composite team para simulan ang malalimang imbestigasyon.