Inanunsyo ng Office of Civil Defense (OCD) na mayroon itong humigit-kumulang P500 million na halaga ng quick response funds (QRF) na maaaring gamitin para sa mga relief efforts na maaaring kailanganin pagkatapos ng Super Typhoon Betty.
Sinabi ni OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno na maaari itong hatiin sa P256.2 million para sa standby quick response funds para sa 2023 at isa pang P244.7 million mula sa continuing quick response funds mula noong nakaraang taon.
Aniya, bukod sa quick response funds, ang OCD Central Office at ang mga regional office nito ay may kabuuang P108.2 million na halaga ng prepositioned non-food items.
Ang lahat ng ito ay handa na para sa pamamahagi upang matulungan ang mga apektadong komunidad.
Naka-standby din ang iba pang resources ng gobyerno kabilang ang equipment para sa emergency telecommunications, at transportation assets.
Sinabi rin ni Nepomuceno na ang emergency preparedness and response (EPR) protocols ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay aktibo na ngayon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang mga protocol ng emergency preparedness and response ay mga hanay ng mga actions na dapat isagawa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at ng mga local government units (LGUs) bago ang pananalasa ng bagyo at sa panahon ng pagtugon sa mga operasyon.
Liban nito, sa status ng standby resources, nasa kabuuang 1,679 teams mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Philippine Coast Guard ang naka-standby para sa search and rescue operation.