BOMBO DAGUPAN – Kinumpiska ng Dagupan City Agriculture Office ang humigit-kumulang 400 kilong bilasang mga bangus na nadiskubre sa Magsaysay Public Market ng lungsod.
Ayon kay Patrick Dizon, ang Officer in Charge ng naturang opisina, resulta ito ng ginagawang oplan sita ng mga kasapi ng Anti Littering ng City Market Division na ang mandato ay mag sagawa ng inspection sa tindahan para makita ang mga lumalabag.
Kasunod ng pagkakakumpiska sa mga kahon kahon na naglalaman ng nasabing mga bangus ay agad nilang ipinagbigay alam sa City Agriculture Office.
Nakipag ugnayan din ang tanggapan sa City Health Office at Sanitation Division dahil mandato nila ay suriin ang produkto at sila rin ang nagdeklara na hindi na ligtas na kainin ang produkto at maaaring makasama sa kalusugan ng tao.
Agad ding tinurnover ang mga ito sa Waste Management Division para sa proper dispossal para masigurong hindi na maibenta pa.
Dagdag pa ni Dizon na sa ngayon ay hindi nila direktang masabi kung ang mga bangus ay namatay na nang maiahon sa tubig o baka matagal ng naimbak sa mga kahon kaya nabilasa.
Base sa natanggap nilang ulat, nanggaling ang mga isda sa western Pangasinan ngunit wala rin namang maipakitang papeles ang mga tindera.