Iniulat ng Bureau of Jail Management and Penology na nagkakasakit na ang ilang mga bilanggo sa kanilang mga piitan sa buong Pilipinas.
Ito ay sa gitna ng matinding init ng panahon na nararanasan ngayon sa bansa nang dahil pa rin El Niño phenomenon.
Ayon kay BJMP Jail Director Raul Rivera, ilan sa mga sakit na tumatama sa naturang mga persons deprived of liberty ay sore eyes at mga skin diseases tulad ng pigsa.
Batay sa kanilang datos, aabot na sa humigit-kumulang 100 kaso na ang kanilang naitala sa National Capital Region habang may tig-iisang kaso din ang napaulat sa iba pang mga rehiyon.
Gayunpaman ay nilinaw pa rin ni Rivera na nananatili pa rin silang nakahanda ukol dito at kasalukuyan na aniya nila itong inaagapan para hindi kumalat at hindi magkahawaan ang mga preso sa naturang mga piitan.
Kaugnay nito ay nagsagawa na rin aniya sila ng improvement sa ventilation sa mga jail cells sa pamamagitan ng pagdagdag pa ng mga ceiling fan at industrial fan, gayundin ang paglalagay pa ng mga ventilation shafts.
Bukod dito ay hindi na rin aniya pinagbibilad sa araw ang mga PDL at bagkus ay sa mga shaded area na lamang pinapupunta ang mga ito upang makalanghap pa rin ng sariwang hangin.
Samantala, sa kabila nito ay tiniyak naman ng opisyal na wala pa naman silang kinakaharap na problem sa ngayon pagdating naman sa distribusyon ng tubig sa mga bilanggo.
Ngunit nagpapatuloy pa rin aniya ang kanilang ginagawang pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng Bureau of Fire Protection at iba pang mga lokal na pamahalaan para naman sa agad na pagtugon sa mga possible water shortages.