-- Advertisements --

Kinumpirma ng Iran-aligned Houthi group sa Yemen na kanilang inatake ang Jazan refinery ng Saudi Aramco nitong Linggo, ilang araw matapos lumagda ang Saudi Arabia sa isang defense pact kasama ang Turkey at Pakistan.

Ayon sa Houthi military spokesperson na si Yahya Saree, gumamit sila ng drone para targetin ang refinery sa Jazan, southwestern Saudi Arabia.

Ayon naman sa Saudi Energy Ministry na nagkaroon ng sunog sa refinery ngunit agad itong naapula. Wala namang naiulat na nasugatan.

Ang Jazan refinery ay may kapasidad na magproseso ng hanggang 400,000 barrels ng crude oil kada araw at dati na ring naging target ng mga pag-atake ng mga nasabing rebeldeng grupo.

Bukod sa Saudi Arabia, sinabi rin ng Houthis na nagsagawa rin sila ng missile at drone attacks laban sa Mocha, isang Yemeni Red Sea port city.

Ayon sa report ng Reuters, pinapaputukan ng air defenses ang mga drone na target umano ang commercial quay at storage facilities ng port.

Sinabi ni Saree na target nila ang mga sundalong Saudi at weapons arsenal sa lugar.

Ayon naman sa Yemeni military spokesperson, pitong katao ang namatay sa pag-atake.

Sinabi ng Yemeni Transportation Ministry na malubha rin ang pinsala sa imprastraktura ng port.

Nauna nang nagdeklara ang Houthis ng naval blockade laban sa Saudi Arabia sa Red Sea, na iniuugnay nila sa sinasabing blockade ng Riyadh laban sa kanila na itinanggi naman ng Saudi government.

Dalawang araw bago ang insidente, lumagda ang Saudi Arabia sa isang defense agreement kasama ang Turkey at Pakistan bilang tugon sa tumitinding regional instability dahil sa digmaan sa pagitan ng US, Israel at Iran.

Nakasaad sa kasunduan na ang armadong pag-atake laban sa alinman sa tatlong bansa ay ituturing na pag-atake laban sa lahat.

Hindi pa malinaw kung makikibahagi o paano tutugon ang Turkey at Pakistan sakaling magsagawa ang Saudi Arabia ng hakbang laban sa mga bagong pag-atake ng Houthis.

Sinabi naman ni Turkish Foreign Minister Hakan Fidan na hindi nakatuon ang defense pact laban sa Iran o anumang partikular na bansa. Aniya, isa itong pangkalahatang suportahan sa seguridad ng tatlong magkakaalyadong bansa.