ROXAS CITY – Nilamon ng apoy ang isang housing unit ng National Housing Authority (NHA) sa Sitio Adlawan, Barangay San Blas, Pilar, Capiz.

Ito ang inihayag ni Senior Fire Officer 1 John Dave Blanco, ang Deputy Chief ng Pilar Municipal Fire Station sa interview ng Bombo Radyo Roxas.

Ang naturang housing unit ang pagmamay-ari ni Prescila Patricio.

Ayon kay Blanco, walang tao ang naturang bahay nang nangyari ang sunog kung kaya’t mabilis na kumalat ang apoy na lumamon sa buong bahay.

Sa ngayon ay hindi pa matukoy kung ano ang pinagmulan ng apoy.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad upang malaman ang kabuuang danyos ng naturang sunog.