-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ipinagpaliban sa panibagong pagkakataon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nakaambang court demolition sa higit 400 pamilya sa dalawang magkaibang lote ng lupain sa loob ng Camp Edilberto Evangelista na headquarters ng 4ID,Philippine Army na nakabase sa Barangay Patag,Cagayan de Oro City.

Kasunod ito sa ginawa na pag-intervene ng city at provincial government officials na kung maari ay bigyan ng konsiderasyon ng korte na patapusin muna ang pag-aaral ng mga bata sa kasalukuyang school year.

Sinabi sa Bombo Radyo ni 4ID spokesperson Lt Col Francisco Garello Jr na mula Abril 1 na ipinag-utos sana ng Regional Trial Court Branch 17 na ipatupad ang demolasyon ay naiurong ito sa Hunyo 3.

Paliwanag ni Garello na nauunawaan nila ang hinaing ng mga apektadong residente kaya tumugon sila sa hiningi na palugit ng incumbent city at provincial government officials.

Magugunitang niralihan pa ng ilang mga apektadong residente ang kampo dahil tutol sila at tinuligsa ang hindi makatoong kautusan na pailisin sa lupain na tinirikan ng kanilang bahay na tumagal na sa 30 hanggang 50 taon.

Subalit base naman sa record ng national government,halos 90 taon nang nagsilbing military reservation ang lupain batay sa inilabas na presidential proclamation ni late President Manuel Quezon taong 1937.