-- Advertisements --

Sa halip na punahin ang P3Million na halaga ng logo ng Philippine Amusement Gaming Corporation, mas pipiliin umano ni House Ways and Means Committee Chair at Albay Cong Joey Salceda na tingnan ang performance ng nabangit na government corporation.

Ayon kay Salceda, ‘impressive’ ang naging performance ng PAGCOR sa ilalim ni Chairman Alejandro Tengco.

Inihalimbawa nito ang kita ng ahensiya sa unang kwarter ng kasalukuyang taon.

Tumaas kasi aniya ng hanggang 50.59% ang kita ng ahensiya sa unang kwarter, at tiyak umanong makakamit nito ang Gross Gaming Revenue na P224.8 billion.

Dahil sa hindi umano siya eksperto sa usapin ng art creativity, mas pinili ng mambabatas na tingnan ang nagawa ng ahensiya, lalo na kung compliant at above board din umano ang naging procurement sa kontrobersyal na logo ng PAGCOR.

Una rito ay umaani ng batikos ang PAGCOR, matapos nitong isapubliko ang bago nitong logo na ginawa ng isang pribadong designer at binayaran umano ng limang milyong piso.