Binatikos ng House prosecution panel ang pagpupumilit ng ilang senador na gumamit ng online participation kapag nagsimula na ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Tinawag ni House trial spokesperson, Rep. Zia Alonto Adiong ang naturang sistema bilang ‘Zoom impeachment’ na posible aniyang magpahina sa tiwala ng publiko kapag pinayagan.
Giit ni Adiong, hindi dapat payagan ng Senate leadership ang mga senador na dumalo at bumoto online sa impeachment proceedings.
Binalikan ni Adiong ang naging epekto ng online classes noong panahon ng pandemya kung saan bumaba aniya ang kalidad ng pagkatuto ng mga estudyante dahil sa remote participation na kilala noon sa tawag na Zoom classes.
Bagaman magkaiba ang konteksyo ng Zoom classes at Zoom impeachment, mahalagang maiwasan aniya na mangyari ang pagbaba ng kalidad ng output o tunay na halaga ng impeachment trial, dahil lamang sa pagpayag sa online participation.
Giit ni Adiong, mas mahalaga ang pisikal na presensya ng mga senador sa isang impeachment trial dahil kailangan nilang personal na marinig ang testimonya at personal na masuri ang mga ebidensiya
Sa pamamagitan ng kanilang presensiya, mas maoobserbahan din aniya ang kilos at pananalita ng mga testigo habang sila ay sumasailalim sa cross-examination sa kasagsagan ng trial.
Una nang itinutulak ng majority bloc ng Senado ang pagbabago sa mga panuntunan ng mataas na kapulungan upang mapayagan ang paggamit sa online participation, ngunit mariin naman itong tinututulan ng mga miyembro ng minority bloc.
















