-- Advertisements --

Sinuspinde ng Kamara ang kanilang plenary deliberations sa 2021 budget ng Department of Health (DOH) kahapon.

Ito ay matapos na bigong makapagsumite ang DOH ng kopya ng mga dokumento na hinihingi ni Iloilo Rep. Janette Garin na may kaugnayan sa mga kuwestiyonableng transaksyon ng PhilHealth.

“It’s highly unusual to discuss the budget of the DOH considering that the PhilHealth documents are still in the pipeline. . . .We are willing to wait and we will discuss the budget thoroughly once the documents are submitted to us,” ani Garin, na isang dating kalihim ng DOH.

Sa ilalim ng proposed budget para sa susunod na taon, ang PhilHealth ay pinaglalaanan ng P71 billion para pondohan ang insurance coverage ng mga Pilipino, lalo na iyong mga indigent patients, senior citizens at persons with disability.

Ang DOH ay makakatanggap naman ng P127.28 billion, mas mataas kumpara sa P100.55 billion na budget nito ngayong 2020.

Nauna nang sinabi ng Department of Justice na negligent ang ilang executives ng PhilHealth sa kanilang trabaho na may kaugnayan sa interim reimbursement program ng state health insurer.