-- Advertisements --

Kinontra ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairman Michael Aglipay ang partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee na nagrerekomendang makasuhan sina Health Secretary Francisco Duque III, dating presidential economic adviser Michael Yang, at ilan sa mga opisyal ng kompanyang Pharmally.

Sinabi ni Aglipay na walang ebidensyang sumusuporta sa ibang mga kasong nakasaad sa rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na nakapaloob sa kanilang committee report.

Halimbawa na lamang aniya rito ang sa criminal charges na inirerekomenda laban kay Yang.

Iginiit ni Aglipay na financier lamang ang papel ni Yang sa maanomaliyang pagbili ng pamahalaan ng P42-billion halaga ng mga COVID-19 supplies at equipment.

Hindi naman aniya maituturing krimen ang pagpapautang ng pera ni Yang.


Isa rin sa mga pinuna ni Aglipay ang rekomandasyon ng kanilang counterpart sa Senado na makasuhan din si Pangulong Rodrigo Duterte kapag makababa na ito sa puwesto dahil sa pagtatalaga niya ng mga nadawit na opisyal sa PS-DBM at sa association din niya kay Yang.


Nanindigan si Aglipay sa resulta ng kanilang hiwalay na imbestigasyon, kung saan hindi kasama sa mga dapat anilang masampahan ng kaso sina Yang at Pangulong Duterte.

Base na rin aniya ito sa kanilang nalikom na testimonya at documentary evidences.