-- Advertisements --

Hinimok ng mga miyembro ng House Committee on Justice ang lahat ng kasamahan, kabilang si Rep. Paolo Henry Marcoleta, na repasuhin ang mga umiiral na patakaran sa impeachment bago magbigay ng komentaryo sa mga pagdinig. 

Ayon kay House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, mahalaga na ang bawat nagkokomento ay nakabatay sa tamang rules upang hindi malito ang publiko at maging maayos ang proseso.

Sa panig naman ni House Committee on Good Government Chairman at Manila Rep. Joel Chua, parehong miyembro at hindi miyembro ng komite ay dapat basahin ang mga patakaran upang malinaw ang diskusyon at maiwasan ang mga maling tanong na madaling masagot kung susundin ang rules.

“I-encourage ko po ang lahat, kahit hindi miyembro, na basahin ang rules para hindi tayo nalilito at maiwasan ang hindi kinakailangang pagtatalo,” sabi ni Chua sa hearing.

Iginiit naman ni Justice panel chairman at Batangas Rep. Gerville Luistro na lahat ng aksyon ng komite ay naaayon sa umiiral na patakaran. 

Ani Luistro, maaaring ipaalam kay Marcoleta ang kopya ng rules para mas maunawaan niya ang proseso. 

“ Perhaps we need to provide (Rep. Marcoleta) a copy of the rules, Kindly look into the rules of impeachment because everything I am saying is strictly consistent with the provision of the rules,” dagdag pa ni Luistro.

Nagtaas kasi si Marcoleta ng procedural question sa hearing, tinutukoy ang pagkakasunud-sunod ng pagboto sa sufficiency in ground bago ang sufficiency in form and substance, na kanyang itinuring na posibleng mali ang timing. 

Pinanatili ng komite na ang mga proseso ay naaayon sa mga patakaran at ang tanong ni Marcoleta ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng komite na magkaroon ng malinaw at iisang pag-unawa sa impeachment proceedings.

Pinagtibay ng mga opisyal na ang ganitong mga pahayag at paglilinaw ay normal sa bawat pagdinig, at naglalayong tiyakin na ang lahat ng miyembro at kasangkot ay sumusunod sa tamang pamamaraan habang ipinapatuloy ang trabaho ng komite.