Nagpahayag ng suporta si House Speaker Faustino ‘Bojie’ Dy III sa mga panukalang magpapalakas sa proteksyon at representasyon ng mga Indigenous Peoples (IPs), partikular sa panahon ng kalamidad at iba pang emerhensiya.
Ayon kay Dy, mahalagang matiyak na hindi naiiwan ang mga katutubo lalo na ang mga nasa malalayong lugar na mas bulnerable sa sakuna. Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng mabilis at organisadong pagtugon upang agad maihatid ang tulong sa kanila.
Sa pakikipagpulong sa mga opisyal ng National Commission on Indigenous Peoples, tinalakay ang mungkahing magkaroon ng nakalaang quick response mechanism para sa mga IP communities. Inirekomenda rin ni Dy ang pagbuo ng mas maayos na database ng mga katutubo upang mapadali ang pagbibigay ng ayuda.
Kasabay nito, inaprubahan din ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang ilang panukalang batas para sa kapakanan ng mga katutubo, kabilang ang panukalang pangangalaga sa indigenous writing systems at libreng professional examinations para sa mga kwalipikadong indigent, kabilang ang mga miyembro ng IP communities. (Report by Bombo Jai)










