-- Advertisements --

Layunin ng LegisHear na mabigyan ng direktang boses ang mga komunidad sa paggawa ng batas, ayon kay Butuan City Rep. Jose “Joboy” Aquino II.

Mahigit 2,000 katao ang dumalo sa ikalawang leg ng nationwide consultation program ng House of Representatives noong Biyernes sa Butuan City.

Ayon kay Aquino, inilalapit ng LegisHear ang Kongreso sa mga mamamayan upang marinig ang kanilang karanasan at mga problema bago maisabatas ang mga panukala.

Sinabi rin niya na hindi lamang konsultasyon sa paggawa ng batas ang layunin ng programa. Kasama rin dito ang pagdadala ng serbisyo ng mga national government agency nang mas malapit sa mga komunidad.

Hinimok ni Aquino ang mga Butuanon na samantalahin ang mga serbisyong iniaalok ng mga ahensya at magbigay ng feedback upang mas mapabuti ang mga ito.

Ang Butuan City ang napiling ikalawang venue ng LegisHear matapos itong ilunsad sa Isabela. Ayon kay Aquino, ipinapakita nito ang pagsisikap ng Kamara na marinig ang mga boses ng mga komunidad, lalo na sa Mindanao.