Maaari umanong magpabagal sa takbo ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang pagtanggi ng depensa sa stipulation ng ilang dokumento, ayon kay House prosecution spokesperson Atty. Benjamin Tolosa.
Nauna na kasing tumanggi ang depensa na i-stipulate ang ilang mga dokumento para sa pagdinig sa Lunes, Agosto 10.
Ayon kay Atty. Tolosa, makailang ulit nang nakipag-ugnayan ang mga prosecutor sa depensa para ikumpara ang documentary exhibits bago ang pagdinig sa Lunes para maiwasan ang mahabang authentication proceedings sa Senate Impeachment Court.
Pero sa halip aniya ay inirekomenda ng depensa ang pag-review nito sa Agosto 14, ilang araw pagkatapos ng sunod na pagdinig.
Sakali aniya na hindi maisagawa ang pagkumpara sa mga dokumento bago pa man ang pagdinig sa Lunes, mapipilitan aniya silang isa-isahing i-authenticate ang mga dokumento sa open court at mapapahaba ang paglilitis.
Ipinaliwanag din ni Atty. Tolosa na layunin nilang mapabilis ang proseso sa pamamagitan ng pag-stipulate o pag-ayon sa mga dokumentong pareho namang hawak ng magkabilang panig.
Kabilang nga sa mga ebidensyang ayaw kilalanin ng depensa ang mahigit 4,000 dokumento, kasama ang nasa 800 acknowledgment receipts na may kaugnayan sa P125 milyong kontrobersyal na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).















