-- Advertisements --

Bukas ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na talakayin ang posibilidad na bawiin ang Rice Tariffication Law (RTL).

Ito ay matapos na matanggap nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Majority Leader Martin Romualdez kasama ang iba pang mga kongresista ang 50,000 lagda na nalikom ng grupong Bantay Bigas na batas na nagpapaluwag sa pag-aangkat ng bigas.

Sinabi ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, sinabi ni Cayetano na pag-aaralan ng Kamara ang lahat ng options na makakatulong sa mga magsasakang apektado ng batas.

Bukas din aniya ang lider ng Kamara na pakinggan ang iba’t ibang sektor na nakaranas ng epekto ng Rice Tariffication Law.

Iginiit naman ni Romualdez na marapat lamang na pakinggan ang magkakaibang posisyon sa naturang usapin.

Samantala, sinabi ni House Committee on Agriculture and Food chairman Mark Enverga na bukas sila sa anumang hakbang na makakatulong sa pagtigil ng pagkalugi ng mga lokal na magsasaka dulot ng RTL.

Kabilang na aniya rito ang panawagan na suspendihin ang rice importation o pagtibayun pa ang safeguard measures na makakatulong para maibsan ang negatibong epekto ng Rice Liberalization Law.