Seryosong ikonsidera dapat ng Commission on Elections (Comelec) ang mga “pros and cons” nang posibilidad na isagawa online ang pangangampanya ng mga tatakbo sa halalan sa susunod na taon, ayon sa isang lider sa Kamara.
Sinabi ni House Committee on People’s Participation chairman Florida Robes, dapat pag-aralan ng mabuti ng poll body ang tinatawag na “online campainging” para sa 2022 national elections.
Totoo aniyang makabubuti ito dahil maiiwasan ang hawaan ng COVID-19 dahil hindi na kailangan ang kumpulan ng supporters sa tuwing mayroong campaign rallies o sorties.
Pero dapat aniyang matiyak na mahigpit ding susunod ang mga kandidato sa itatakdang panuntunan at limitasyon sa online campagning upang sa gayon ay hindi naman ito maabuso.
Nauna nang sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenes sa isang panayam na posibleng wala na munang face-to-face campaign para sa nalalapit na halalan dahil na rin sa banta ng COVID-19.
Ang kanilang naiisip na alternatibo rito ay gawing online na lamang ang pangangampanya upang sa gayon ay matiyak ang kaligtasan ng lahat.