-- Advertisements --

Iginiit ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima na hindi lumalabag sa Bank Secrecy Law o anumang batas ang impeachment proceedings ng Kamara de Representantes sa umano’y “suspicious at covered” financial transactions ni Vice President Sara Duterte.

Ito ay matapos ihayag ng asawa ng Bise Presidente na si Manases “Mans” Carpio na magsasampa siya ng kasong kriminal laban sa ilang opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Anti-Money Laundering Council, at ilang miyembro ng House justice committee dahil umano sa paglabas ng confidential banking records.

Ayon kay De Lima, may karapatan si Carpio na magsampa ng kaso, ngunit malinaw umano na ang impeachment proceedings ay hindi saklaw ng Bank Secrecy Law dahil ito ay isang “sui generis” o natatanging proseso ng pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.

Ipinaliwanag niya na ang Kamara ay hindi direktang kumuha ng bank accounts kundi mga report mula sa AMLC hinggil sa “suspicious at covered transactions,” na sa ilalim ng batas ay kailangang i-report ng mga bangko at hindi itinuturing na paglabag sa bank secrecy rules.

Kung maalala sa report ng AMLC natukoy ang bilyon-bilyong pisong transaksyon na konektado umano kina Duterte at Carpio, kabilang ang mga ulat ng posibleng kahina-hinalang aktibidad mula 2006 hanggang 2025.

Samantala, nanawagan si House human rights chair Rep. Bienvenido Abante Jr. kay VP Sara na humarap sa impeachment hearing sa Abril 29 upang sagutin ang mga alegasyon, at bibigyan siya ng due process kung dadalo siya.

Ayon naman kay House public accounts chair Rep. Terry Ridon, may sapat nang basehan para sa “probable cause” ng impeachment, at inaasahang boboto ang komite sa Miyerkules bago ito iakyat sa plenaryo ng Kamara at posibleng isulong sa Senado para sa paglilitis.