-- Advertisements --

Hiniling ni House Deputy Speaker at Las Piñas Representative Camille Villar sa pamahalaan na ihanda na ang pondong maaaring magamit para matulungan ang mag magsasakang maaapektuhan sa pananalasa ng El Nino.

Ayon sa mambabatas habang maaga pa ay mahalagang may contingency measures na ang pamahalaan na siyang gagamiting para matulungan ang mga magsasakang maapektuhan.

Inihalimbawa ng mambabatas ang nangyari noong 2019 kung saan umiral din ang El Nino sa bansa. Nakapagtala noon aniya ang Pilipinas ng hanggang sa P8Billion na pinsala sa agrikultura.

Maaari aniyang magbigay sa mga magsasaka ng mga livelihood project, o anumang uri ng social protection, katulad ng mga pautang, direktang cash assistance, o kung hindi man ay mga cash for work scheme.

Maalalang una nang idineklara kamakailan ng State Weather Bureau ang pagsisimula ng El Nino Phenomenon sa bansa, na posibleng magtatagal hanggang sa susunod pang taon.

Sa kasalukuyan, mayroon nang apat na probinsya sa Northern Luzon na nakakaranas ng kawalan ng ulan, at posibleng lalo pang tataas ang bilang ng mga ito, habang tumitindi ang El Nino.