-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinaalarma ni Misamis Occidental Provincial Police Office Director Col. Danildo Tumanda ang tumitinding banta sa buhay na natatanggap ni House Deputy Speaker Rep. Henry Oaminal.

Ito’y matapos nakatanggap ng impormasyon si Tumanda na umaabot na sa P15 milyon ang ipinatong ng organized robbery group sa ulo ni Oaminal na kumakatawan sa pangalawang distrito ng Misamis Occidental upang tuluyang mapatumba.

Inihayag ni Tumanda na nag-ugat ang matinding galit ng naturang grupo kay Oaminal dahil sa “all out support” nito sa anti-illegal drugs war ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kung maaalala, nakaranas ng seryosong problema sa illegal na droga ang Misamis Occidental.

Kaugnay nito, tiniyak ng opisyal na mabibigyan ng sapat na seguridad ang abogado na mambabatas.

Una nang naging kalaban o kinontra ni Oaminal ang umano’y mga galaw noon ni dating Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr., na inaakusahan ni Duterte na suspected drug lord sa Misamis Occidental.

Kinalaunan ay ipinapapatay ito sa kontrobersyal na si dating Ozamiz City Police Station Commander Lt. Col. Jovie Espenido taong 2017.