Kumbinsido ang House Committee on Agriculture sa pamumuno ni Quezon Rep. Mark Enverga na ang negosyanteng si Lea Cruz ang nasa likod sa cartel ng sibuyas na nag-ooperate sa bansa.
Tahasang sinabi ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo na buhay na buhay ang cartel ng sibuyas sa bansa, batay sa mga dokumento na nakuha ng komite.
Ayon kay Rep. Enverga, sapat ang nakalap nilang datos at impormasyon mula sa ikinasa nilang pagdinig kaugnay sa hoarding at price manipulation ng mga agricultural products partikular ang sibuyas.
Sa susunod na linggo muling magpupulong ang komite kung kanila nang isasara ang investigation in aid of legislation at kung ano ang kanilang magiging rekomendasyon.
Sinabi ni Enverga na isa sa kanilang magiging rekumendasyon ay ang pagsasampa ng kaso laban sa ilang personalidad.
Sa press briefing dito sa Kamara, sinabi ni Enverga may mga panukalang batas na silang hinahanda para matuldukan na ang hoarding at price manipulation lalo na sa sibuyas.
Sa kasalukuyan mayroon nang panukala sa kamara na ituring na economic sabotage at patawan ng mas mabigat na parusa ang hoarding, profiteering at price manipulation.
Posible aniya na ipasok nila ito sa hiwalay na panukala para amyendahan ang Anti-Agricultural Smuggling Act.
Dapat na rin aniya niyang repasuhin ang Price Act upang mapa-igiting ang monitoring at magkaroon ng mas malinaw na mechanism pagdating sa ipinapataw na presyo sa mga bilihin.
Ayon naman kay Enverga na wala silang itinakdang time frame para sa paglalabas ng kanilang committee report.
Ipinunto din ni Enverga na sa kabila ng kaliwat kanang kontrobersiya na kinakaharap ng Department on Agriculture, mas mainam na ang Pang. Ferdinand Marcos pa rin ang mananatiling kalihim.
Samantala, nanawagan ngayon si Marikina Rep. Stella Luz Quimbo sa mga otoridad na simulan na ang pag-iimbestiga sa mga indibidwal na sangkot sa agricultural smuggling, hoarding at price manipulation.
Tinukoy naman ni Quimbo ang negosyanteng si Leah Cruz na tinaguriang “Sibuyas Queen” ang nasa likod ng price manipulation at hoarding ng sibuyas.
Sa pulong balitaan dito sa Kamara inilatag ni Quimbo kung ano ang modus ng grupo ni Cruz na siyang dahilan ng pagsipa sa presyo ng sibuyas ng hanggang P700 kada kilo noong 2022.
Ayon kay Rep. Quimbo sentro aniya ng ‘sibuyas cartel’ ang Philippine VIEV (Vegetable Exporters and Vendors Association Philippines, Inc.) Group of Companies na pagmamay-ari ni Cruz.
Ang mga kompaniya aniyang ito ay may kaugnayan sa local trading, importation, cold storage warehousing, and trucking.
Ibig sabihin hawak ng PhilVIEVA ang buong supply chain mula umpisa hanggang dulo.
Pagbubunyag ni Quimbo dahil sa PhilVIEVA at ilang dummy companies, kayang kaya ni Leah Cruz i-dikta ang magiging presyo ng sibuyas sa merkado at kung saan niya nais magbagsak ng supply.
Batay sa isinagawang assessment sa general information sheet ng mga kompanya, lumalabas na pagmamay-ari ni Cruz ang Golden Shine, isang trucking business na stockholder din sa PhilVIEVA.
Dalawang kompanya pa na Vegefru at Rosal na mga kompanya rin ni Cruz ay pasok din sa industriya ng sibuyas.
Punto ni Quimbo na isa ring ekonomista kung pagbabatayan ang datos walang malaking kakulangan sa suplay ng sibuyas noong panahon na sumipa ang presyo nito.