BUTUAN CITY – Gagawa ng hotline ngayong araw ang Special Investigation Task Group (SITG)-Apoliario na siyang dudulugan ng lahat ng mga indibidwal na nabiktima ng Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International Incorporated ni Joel Apolinario.
Ang nasabing KAPA founder ay una nang nadakip sa Barangay Salvacion, Lingig, Surigao del Sur.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni SITG-Apolinario spokesman P/Major Renel Serrano na ipinaalam na ito sa lahat ng mga police stations sa buong Caraga Region.
Sa ilalim kasi ng mabubuong hotline, kailangang kanilang i-cater, i-assess at i-validate ang lahat ng mga reklamo laban sa KAPA lalo na yaong nais pang mabawi ang kanilang na-pay in na malaking pera.
Sa ngayon ay nasa kustodiya pa ng Butuan City Police Office (BCPO) si Apolinario at ang kanyang asawa pati na ang 24 pa nitong mga “alipores.”
Binabantayan sila ng mga tauhan ng Butuan City Mobile Group at ng Regional Mobile Force Battalion kasama ang mga personahe ng BCPO.
Para naman sa mga nais kumausap sa mga ito ay kailangan pang humingi ng clearance mula sa regional director.
Dagdag pa ni Serrano, pormal nang naisampa sa pamamagitan ng inquest proceedings ang apat na kaso laban kay Apolinario at hinihintay na lamang nila ang resolusyon mula sa fiscal upang malaman ang susunod na hakbang.
Nag-execute din umano ng “waiver” si Apolinario na subject pa sa preliminary investigation.