-- Advertisements --

Magandang balita para sa mga propesyonal at graduate ng hotel and tourism degrees dahil nangangailangan daw ngayon ng Filipino workers ang naturang industriya sa bansang Israel.

Sa isang panayam sinabi ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Usec. Bernard Olalia, na sa Oktubre ay maaari ng mag-apply ang mga Pinoy na nais magtrabaho sa hotel and tourism industry ng naturang Middle East country.

Bukod sa Israel, nangangailangan din daw ng 1,000 registered nurses ang bansa Kingdom of Saudi Arabia.

Batay sa ulat ng ahensya, may katumbas na P60,000 na monthly salary ang alok ng Ministry of Health ng naturang bansa.

Hiwalay pa raw doon ang mga benepisyo gaya ng libreng pamasahe at tirahan.

Tiniyak naman ni Olalia na maganda ang track record ng Saudi Ministry of Health dahil pasilidad ng pamahalaan ang tutuluyan ng mga matatanggap na nurse.

Batay sa datos ng POEA nasa halos 50,000 ang populasyon ng mga Pinoy workers sa Israel.

Aabot naman sa higit 2-milyon ang OFWs sa Saudi ayon sa Philippine Statistics Authority.