NAGA CITY – Patuloy ngayon ang hot pursuit operation ng militar sa 15 miyembro ng New People’s Army (NPA) na nagtangka umanong manunog na naman sa lalawigan ng Quezon.

Nabatid na napigilan ng pinag-isang puwersa ng militar at Philippine National Police (PNP) ang mga rebelde sa tangkang panununog sa Northern Builders, tatlong kilometro ang layo mula sa Sitio Purok, Barangay Magsaysay sa bayan ng Infanta.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. Patrick Jay Retumban, tagapagsalita ng 2nd Infantry Division, Philippine Army, sinabi nitong patuloy ngayon ang paghahanap ng militar sa mga nakalaban na NPA sa lugar kung saan natagpuan ang mga tulo ng dugo mula sa NPA.

Ayon kay Retumban, naniniwala silang may mga nasugatan din sa hanay ng NPA maliban sa apat na sundalo.

Kaugnay nito, nagsasagawa rin ng malawakang military operation sa probinsiya ng Mindoro dahil umano sa banta ni Communist Party of the Philippines (CPP) Founder Jose Maria Sison hinggil sa malawakang pagsalakay ng mga NPA na may kaugnayan sa paparating na anibersaryo ng rebeldemng grupo sa Marso 29.