Binisita umano ni North Korean leader Kim Jong Un ang isang hospital construction site kung saan sinaway nito ang ilang opisyal dahil sa maling pangangasiwa sa naturang proyekto.
Sa ibinahaging litrato ng ruling party newspaper na Rodong Sinmun, makikita ang tila galit na mukha ni Kim habang kinakausap ang ilang senior officials.
Ayon pa sa pahayagan na pinagalitan rin daw ni Kim ang mga ito dahil hindi pa nagagawa ang budget para sa proyekto. Hindi rin daw kasi sumusunod ang mga opisyal sa polisiya ng partido.
Tulad na lamang ng pagsu-suplay ng mga kagamitan at materyales. Taliwas din umano ito sa intensyon ng partido na ang nasabing proyekto ay para sa ikabubuti ng mamamayan ng North Korea.
Ikinakatakot daw kasi ng North Korean leader na baka masira ang imahe ng kaniyang gobyerno dahil dito. Ipinag-utos din umano nito na palitan ang lahat ng opisyal na responsable sa maling proyekto.