Nakahanda umano ang kampo ni Vice President Sara Duterte na harapin ang mga paratang laban sa kanya sa nagpapatuloy na impeachment trial.
Ito ay matapos magsimulang maglabas ng subpoena ang Senate impeachment court para kunin ang ilang bank records at tax records ng Bise Presidente.
Ayon sa tagapagsalita ng defense team ng Bise Presidente na si Atty. Michael Poa, hindi sila tutol sa paghahanap ng katotohanan.
Aniya, nais lamang nilang matiyak na ang lahat ng hakbang ay naaayon sa Konstitusyon, umiiral na batas, at mga alituntunin ng korte.
Dagdag pa ni Poa, inaasahan na nila ang posibilidad na payagan ng impeachment court ang pagkuha ng mga dokumento. Aniya, handa rin silang patunayang walang basehan ang alegasyon ng umano’y unexplained wealth ni VP Sara.
Kabilang sa mga pinadalhan na ng subpoena ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at ilang bangko.
Hanggang Hulyo 30 ang itinakdang deadline para isumite ang mga hinihinging dokumento ng impeachment court.
Pansamantalang natigil ang pagdinig ng impeachment trial dahil sa paghahanda para sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Matatandaang nahaharap si VP Sara sa impeachment dahil sa mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery.
Una nang itinatanggi ng kanyang kampo ang mga paratang.
















