Hinimok ni Senate impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero ang prosecution at defense panels sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na magtalaga ng hiwalay na spokesperson na hindi kabilang sa legal counsel ng paglilitis.
Ayon kay Escudero, kasalukuyang nagsisilbi ring legal counsel ang mga spokesperson ng magkabilang panig tulad ni Atty. Benjamin Tolosa ng prosecution at si Atty. Michael Poa ng depensa.
Bagama’t wala pa umanong nalalabag ang dalawa sa kanilang mga pahayag, sinabi ni Escudero na mas makabubuting magkaroon ng hiwalay na tagapagsalita upang maiwasan ang anumang isyu sa pagtalakay sa kaso habang nagpapatuloy ang paglilitis.
Binigyang-diin din ni Escudero na patuloy na babantayan ng impeachment court ang mga ibinabahagi sa publiko ng mga abogado ng magkabilang panig.
Samantala, sinabi ni impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol na maaaring magtalaga ang prosecution at defense ng bagong spokesperson kung nanaisin nila.
Nilinaw rin niyang wala pang nakikitang paglabag sa sub judice rule sa mga naging pahayag nina Michael Poa at Benjamin Tolosa.
















