-- Advertisements --

Pinasususpinde na ni Naga City Mayor Leni Robredo ang kontrata ng Mt. Isarog Natural Park tour guide matapos ang umano’y insidente ng pangha-harass.

Nabatid na pinasok umano ng tour guide ang tent ng hiker nang walang pahintulot, na nagdulot ng takot sa biktima.

Sa pahayag ng alkalde, sinabi nitong hindi katanggap-tanggap ang naturang insidente at taliwas ito sa pamantayan ng kaligtasan, propesyonalismo, at paggalang na dapat ipakita sa mga turista.

Napag-alaman ding ang tour guide ay bagong job order personnel ng Public Safety Office at isang buwan pa lamang sa serbisyo. Inamin umano nito ang kanyang maling ginawa.

Dahil dito, agad siyang inalis sa lahat ng kanyang tungkulin habang permanente rin siyang pinagbabawalang makilahok sa anumang city-accredited tour at hiking activities.

Bumuo na rin ang lokal na pamahalaan ng isang task force upang magsagawa ng masusing imbestigasyon, habang binigyan naman ng tulong at suporta ang biktima.

Kasunod ng insidente, paiigtingin ng Naga City ang pagpapatupad ng mga patakaran sa Mt. Isarog, kabilang ang mas mahigpit na alcohol ban, mandatory refresher training, at gender sensitivity at ethics training para sa lahat ng tour guides.