Kinokonsidera umano ni dating former WBO welterweight champion Jeff Horn ang posibilidad na tuluyang kumalas na sa kanyang longtime trainer na si Glenn Rushton.

Umani kasi ng samu’t saring batikos si Rushton kasunod ng naging masaklap na pagkatalo ni Horn sa kamay ni Michael Zerafa nitong nakalipas na Linggo sa Bendigo.

Giit kasi ng mga kritiko, hindi raw ipinatigil kaagad ni Rushton ang laban at hinayaan lang nitong saluhin ni Horn ang malalakas na suntok ni Zerafa.

Batay sa ulat, nagpulong daw si Horn at ang kanyang pamilya upang talakayin ang kanyang hinaharap kasama ang coach.

Bagama’t dumipensa si Rushton noong una sa hindi nito pagpapahinto sa laro, kalaunan ay humingi rin ito ng dispensa.

“Half of you says you want to throw the towel in and the other half says if he grabs him and hangs on, we’re close to the end of the round,” wika ni Rushton.

Nagtapos ang nasabing laban pagsapit ng ikasiyam na round kung saan na-knockout sa ikalawang pagkakataon si Horn at hirap na ring makatayo.