-- Advertisements --

LAOAG CITY – Agad na isinuko sa PNP ng isang trycicle drivers ang napulot nitong homemade shotgun sa mga puno ng kawayan sa Barangay Monte sa bayan ng Paoay.

Ayon kay Police Major Eddie Suyat, chief of police ng PNP-Paoay, ang hindi na pinangalang tricycle driver ay 40-anyos, may asawa at residente sa naturang barangay.

Inihayag pa nito na base sa salaysay ng driver, habang pauwi na sa kanilang bahay ay nakita nito ang isang sako sa puno ng kawayan at nang lapitan at buksan ito ay nadiskubreng baril ang laman nito.

Dahil dito, isinuko ng driver sa himpilan ng PNP ang nasabing baril.

Isasagawa naman ng pulisya ang imbestigasyon para malaman kung sino ang nag-iwan ng baril sa lugar.

Sa ngayon ay nasa kustudiya ng PNP-Paoay ang baril at dadaan sa ballistic examination.