-- Advertisements --

LAOAG CITY – Inihayag ni Atty. Carlos Isagani Zarate, isang human rights lawyer, malinaw na naipakita ng prosekusyon ang kanilang mga argumento sa nakalipas na mga araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Binanggit niya na ang mga testimonya ng mga saksi kabilang ang mga opisyal ng bangko at ang mga dokumentong iniharap sa pagdinig na nilagdaan ni Vice President Duterte, pati na ang mga natuklasan ng Commission on Audit (COA) sa Office of the Vice President at Department of Education, ay nagsilbing matibay na batayan para sa prosekusyon.

Aniya, batay sa imbestigasyon ng COA sa Office of the Vice President at Department of Education, natuklasang hindi sinunod ng mga nasabing tanggapan ang tamang proseso sa paggastos ng confidential funds.

Napansin niya na ang paglalahad ng prosekusyon ng mga ebidensya para sa Article 1 ay hindi nangangahulugang pinupuntirya nila ang Bise Presidente; sa halip, layunin lamang nilang patunayan na ang nasasakdal ay lumabag sa batas tulad ng kasong betrayal of public trust, na isang paglabag sa Konstitusyon.

Binigyang-diin niya na ang libu-libong dokumento at maraming saksi laban kay Vice President Sara ay patunay na ang nasasakdal ay nakagawa ng paglabag o krimen.