-- Advertisements --
DOH

Ikinokonsidera ng Department of Health (DOH) na payagang sumailalim na lamang sa home isolation ang mga biyaherong positibo sa COVID-19 sakaling tanggalin na ang public health emergency sa bansa.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa kaniya itong pag-aaralan kasama ang Bureau of Quarantine na nasa ilalim ng DOH kung maaaring payagan ang pagluluwag ng quarantine protocols sa mga biyaherong positibo sa covid-19.

Una ng binigyang diin ng kalihim na nananatili pa rin ang covid-19 sa ating bansa kahit na tanggalin na ang public health emergency kung kayat kailangan pa rin ang isolation lalo na ang mga positibo na galing sa ibang bansa dahil may ibang variants na nadedevelop abroad.

Sinabi din ni Sec. Herbosa nitong nakalipas na araw na nakikita ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na de facto lifted na ang public health emergency sa ating bansa at tanging formal order na lamang mula sa Pangulo ang kailangan para ganap ng maalis ito.

Kung matatandaan, una ng binuksan ang border ng bansa at niluwagan ang travel restrictions sa bansa noong Pebrero ng nakalipas na taon na nagpapahintulot sa pagpasok ng mga banyaga na mamamasyal o may negosyo sa bansa sa ilalim ng ilang mga kondisyon.

Ilan dito ay ang pagpapakita ng mga dayuhan ng full vaccination kontra covid-19 bago makapasok sa bansa maliban sa mga 12 anyos pababa na may kasamang mga dayuhang banyaga na kumpleto ng nabakunahan.